Monday, July 19, 2010

Speechless

Nakahahapong umaga.

Ilang buwan na ang nakalipas nang huli akong magmartsa patungong entablado sa pagtatapos ng aking kolehiyo.

Ngayon, heto ako't humaharap sa panibagong kabanata ng aking buhay. Kung minsan ayaw ko nang sariwain pa ang nakalipas. Pero kusa talaga itong bumabalik kapag naiwan kang nag-iisa. Maaring sa bahay, sa banyo, sa opisina o 'di kaya nama'y sa bus, sa jeep. At kahit saan pang sulok ng mundo hindi mo namamalayang lumilipad na naman ang iyong diwa. Gaya nito. Nitong ginagawa ko.

Ang totoo talaga niyan ay wala akong magawa sa mga oras na ito (I may sound so weird, but it's true). Nakakabagot nga e. Hindi ko alam kung pabor ba sa akin ang tadhana o medyo minalas malas 'ata ako sa pagpasok nitong 2010. Paano ba nama'y, simula nitong Enero hanggang ngayon ay nararamdaman ko pa rin ang kakulangan, este ang walang kakuntentuhan sa buhay.

Abril pa lang nagbilang na ako ng mga poste. Kasama ang aking mga kaibigan sinubukan namin maghanap ng trabaho sa mga malalaking kompanya sa siyudad. Sa una'y tila ilap sa 'min ang mga pagkakataon. Mag-a-apply kuno sa call center. Sa unang salang sa mga interview pagkatapos maipasa ang ilang set ng exam, tatawagan ka muli para sa mga susunod mong gagawin. Kami naman 'tong sina tanga -- aasa. Sabay 'ayan na ang final assessment. Ang resulta? Re-apply after a month. Peste! Isa. Dalawa. Tatlo. Sige apatin ko pa. O di kaya sampu na. Ilang buwan kong nilunok ang mga ganitong sitwasyon. Sa una'y naroon ang pag-asa. Pero kapag nangako na sila na kunwari'y tatawagan ka na lang. Unti-unting maglalaho ang iyong apog na ilang taon mong inensayo sa paaralan.

Minsan nga pauwi na ako galing sa isang agency na pinasukan. Dahil lubhang umasa at nabigo. Sobra akong nanlumo. Hindi ko alam kung pa'no ko ikukwento kina Mama't Papa. Na tulad ko ay may positibong ekspektasyon sa akin. Pagdating sa bahay. Ilalapag ang gamit. Hikab. Kakain lang ng konti sabay iidlip. Ipagpaliban na kung ano man ang ayaw ipabatid.

Hindi ko alam kung kanino ako maiinis kung bakit ganito ang aking tadhana. Sa pamilya ko ba na umaasang maiiahon ko sila sa kahirapan (kaya tila nauudlot). O sa mga manghuhula na sinabing makakapag-abroad daw ako at yayaman. O di naman kaya sa aking sarili na walang kakuntentuhan sa buhay. Ganunpaman, anumang ang maging mukha ng aking kapalaran, hiling ko pa rin ang gabay ng Panginoon. Ayaw kong maghintay ng tulad ni Juan. Ayaw kong mangarap pa, gusto ko gawa agad. Ayaw ko ng ipagpabukas, gusto ngayon na.

No comments:

Post a Comment